Tobit 11:3-14 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

3. Mabuti pa'y mauna na tayo para makapaghanda agad sa bahay. Hayaan mo nang mahuli ang iyong asawa at ang buong pangkat.”

4. At nauna nga silang dalawa. Sa daa'y sinabi ni Rafael, “Tobias, dalhin mo ang apdo ng isda.” Lumakad silang kasunod ang aso ni Tobias.

5. Samantala'y patuloy na nag-aabang si Ana sa lansangang daraanan ni Tobias.

6. Nang makita niyang ito'y dumarating, pasigaw niyang tinawag si Tobit at sinabi, “Narito na si Tobias kasama ang lalaking pinasama mo.”

7. Bago dumating ng bahay, sinabi ni Rafael kay Tobias, “Sigurado kong makakakitang muli ang iyong ama.

8. Pagdating mo'y ipahid mo agad sa kanyang mga mata ang apdo ng isda. Aalisin nito ang katarata sa mata ng iyong ama at muli siyang makakakita.”

9. Tumatakbong sinalubong ni Ana ang kanyang anak at niyakap ito nang mahigpit. Sinabi nito kay Tobias, “Maaari na akong mamatay, anak, ngayong muli kitang nakita.” At naiyak siya sa laki ng tuwa.

10. Sa pananabik ni Tobit sa kanyang anak, nagmamadali itong lumabas, ngunit nadapa siya sa may tarangkahan ng bulwagan.

11. Nilapitan ni Tobias ang kanyang ama, hawak ang apdo ng isda. Ibinangon niya ito at hinipan ang mga mata. “Lakasan ninyo ang inyong loob, Itay,” sabi niya.

12. Agad niyang ipinahid sa mga mata nito ang hawak na apdo.

13. Pagkatapos, inalis niya ang katarata, at nakakitang muli ang kanyang ama.

14. Niyakap ni Tobit ang anak at umiiyak na nagsabi, “Maliwanag na ang aking paningin; nakikita na kita, anak!” Pagkatapos ay sinabi,“Purihin ang Diyos! Purihin ang dakila niyang pangalan,pagpalain ang lahat niyang mga anghel.Nawa'y purihin ang banal niyang pangalan sa lahat ng panahon.

Tobit 11