Juan 11:29-37 Ang Salita ng Dios (ASND)

29. Nang marinig ito ni Maria, dali-dali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus.

30. (Hindi pa nakakarating si Jesus sa Betania. Naroon pa lang siya sa lugar kung saan sinalubong siya ni Marta.)

31. Nang makita ng mga nakikiramay na Judio na tumayo si Maria at dali-daling lumabas, sinundan nila siya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doon manangis.

32. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa harap nito at sinabi, “Panginoon, kung narito lang kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.”

33. Nabagbag ang puso ni Jesus at naawa siya nang makita niyang umiiyak si Maria, pati na ang mga kasama nitong mga Judio.

34. Tinanong niya sila, “Saan ninyo siya inilibing?” Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.”

35. Umiyak si Jesus.

36. Kaya sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus.”

37. Pero sinabi naman ng iba, “Hindi baʼt pinagaling niya ang lalaking bulag? Bakit hindi niya nailigtas sa kamatayan si Lazarus?”

Juan 11