Jeremias 52:7-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan.

8. Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya

9. at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan.

10. Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda.

11. At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.

12. Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya ng hari sa Babilonia.

13. Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali.

14. Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem.

15. At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia.

16. Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.

Jeremias 52