17. Sasabihin din nila, ‘Ang Faraon na hari ng Egipto ay magaling lang sa salita, at sinasayang lang niya ang mga pagkakataon.’
18. “Ako, ang buhay na Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Egipto na nakahihigit sa kanya, katulad ng Bundok ng Tabor sa gitna ng mga kabundukan o ng Bundok ng Carmel sa tabi ng dagat.
19. Kayong mga mamamayan ng Egipto, ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan dahil bibihagin kayo. Mawawasak ang Memfis, magiging mapanglaw ito at wala ng maninirahan dito.
20. Ang Egipto ay parang dumalagang baka, pero may insektong mula sa hilaga na sasalakay sa kanya.
21. Pati ang mga upahang sundalo niya ay uurong at tatakas. Para silang mga guyang pinataba para katayin. Mangyayari ito dahil panahon na para parusahan at wasakin ang mga taga-Egipto.
22. Tatakas ang mga taga-Egipto na parang ahas na mabilis na tumatalilis habang sumasalakay ang mga kaaway. Sasalakay ang mga kaaway na may dalang mga palakol na katulad ng taong namumutol ng punongkahoy.
23. Papatayin nila ang mga taga-Egipto na parang pumuputol lang ng mayayabong na mga punongkahoy. Ang mga kaaway na itoʼy mas marami kaysa sa balang na hindi mabilang.