Daniel 5:19-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Dahil sa kapangyarihang ibinigay ng Dios sa kanya, ang mga tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika ay natakot sa kanya. Nagagawa niyang patayin ang sinumang gusto niyang patayin. At nagagawa rin niyang huwag patayin ang gusto niyang huwag patayin. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas, at ibinababa niya sa tungkulin ang gusto niyang ibaba.

20. Pero siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari,

21. at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.

22. “At ikaw, Haring Belshazar na anak niya, kahit na alam mo ang lahat ng ito, hindi ka pa rin nagpakumbaba,

23. sa halip itinuring mong mas mataas ka kaysa sa Panginoon. Ipinakuha mo ang mga tasang mula sa templo ng Dios at ginamit ninyong inuman ng iyong marangal na mga bisita, mga asawa, at iba pang mga asawang alipin. Maliban diyan, sumamba ka pa sa mga dios-diosang gawa sa pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy, at bato. Itoʼy mga dios na hindi nakakakita, hindi nakakarinig, at hindi nakakaunawa. Ngunit hindi mo man lang pinuri ang Dios na siyang may hawak ng iyong buhay at nakakaalam ng iyong landas na dadaanan.

Daniel 5