2 Hari 20:4-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Nang hindi pa nakakaalis si Isaias sa gitna ng bulwagan ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon,

5. “Bumalik ka kay Hezekia, na pinuno ng mga mamamayan ko at sabihin mo ito: ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng ninuno mong si David: Narinig ko ang panalangin mo at nakita ko ang mga luha mo kaya pagagalingin kita. Sa ikatlong araw mula ngayon, makakabangon ka na at makakapunta ka sa templo ng Panginoon.

6. Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita at ang lungsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Iingatan ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil kay David na aking lingkod.’ ”

7. Sinabi ni Isaias sa mga utusan ni Haring Hezekia na tapalan nila ang namamagang bukol nito ng dinurog na igos. Ginawa nga nila ito at gumaling siya.

8. Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, nagtanong siya kay Isaias, “Ano ba ang magpapatunay na gagaling ako at makakapunta sa templo ng Panginoon sa ikatlong araw mula ngayon?”

9. Sumagot si Isaias, “Ito ang tanda na ibibigay ng Panginoon na magpapatunay na tutuparin niya ang pangako niya. Pumili ka sa dalawang ito: Aatras ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan o aabante ng sampung hakbang?”

10. Sumagot si Hezekia, “Mas madaling umabante ng sampung hakbang ang anino, kaya paatrasin mo na lang ito ng sampung hakbang!”

11. Kaya nanalangin si Isaias sa Panginoon at pinaatras ng Panginoon ng sampung hakbang ang anino ng araw sa orasan na ipinagawa ni Ahaz.

12. Nang panahong iyon, nabalitaan ni Merodac Baladan na anak ni Haring Baladan ng Babilonia na nagkasakit si Hezekia. Kaya nagpadala siya ng mga sulat at regalo kay Hezekia.

2 Hari 20