22. Pero mas malakas ang mga pumapanig kay Omri kaysa sa mga pumapanig kay Tibni na anak ni Ginat. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23. Sumunod na naghari si Omri sa Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa loob ng 12 taon; ang anim na taon nito ay doon sa Tirza.
24. Binili niya kay Shemer ang bundok ng Samaria ng 70 kilong pilak, at pinatayuan niya ito ng lungsod. Pagkatapos, pinangalanan niya itong lungsod ng Samaria, mula sa pangalan ni Shemer na siyang dating nagmamay-ari ng bundok.
25. Masama ang ginawa ni Omri sa paningin ng Panginoon, at nagkasala siya ng higit pa sa mga hari na nauna sa kanya.
26. Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga walang kwentang mga dios-diosan. Kaya ginalit nila ang Panginoon, ang Dios ng Israel.